Nawalan ng pera pati na ng vaccination card ang isang babae matapos siyang mabiktima ng snatcher na nakamotorsiklo sa Sampaloc, Maynila.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GTV "Balitanghali" nitong Martes, makikita sa CCTV ng Barangay 562 na naglalakad ang biktimang si Mary Ann Montalvo papunta sa grocery store.

Maya-maya pa, may isang nakamotorsiklo na dumaan at biglang hinablot ang kaniyang wallet.

Hinabol ni Montalvo ang snatcher, pero kamuntikan na siyang mabangga habang tumatakbo.

Humingi ng tulong ang biktima sa iba pang tao sa lugar, pero hindi na siya nakapagsalita dahil nanginginig siya.

Ayon sa biktima, naglalaman ng P5,000, credit card at valid IDs, kabilang ang kaniyang vaccination card, ang kaniyang wallet.

"Kuya, kung mapapanood mo ito, parang awa mo, naghihirap din ako," mensahe ng biktima sa suspek.

Sinabi ng kagawad ng Brgy. 562 na si Conrad Balbiran na hindi pamilyar ang nakamotor na suspek at maaaring paikot-ikot lamang sa lugar para may mabiktima.

Isinasagawa na ng Sampaloc Police ang follow-up operation para mahuli ang nakatakas na suspek.--Jamil Santos/FRJ, GMA News