Taong 2009 nang makuhanan ng video ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" habang nag-iigib ng tubig sa Mampang, Zamboanga, ang noo'y 18-anyos pa lang na si Hidilyn Diaz, ang kauna-unahang atletang nagbigay ng gintong medalya sa Pilipinas sa ginaganap na 2020 Tokyo Olympic.
Ginawa ng "KMJS" ang naturang episode nang talakayin ng programa ang kuwento ng mga babaeng weightlifter sa bansa.
Sa naturang episode, ibinahagi ni Hidilyn ang kaniyang mga sakripisyo sa pagsasanay at ang unti-unting pag-abot sa kaniyang mga pangarap bilang isang atleta na magbibigay ng karangalan sa bansa.
At matapos nga niyang makamit ang silver medal noong 2016 Rio Olympic sa Brazil na pumutol sa 20 taon na pagkauhaw ng bansa sa medalya, ngayon naman ay ibinigay niya ang pinakakaasam na gintong medalya para sa Pilipinas mula nang sumali sa torneo noong 1924.
Balikan ang episode na ito ng "KMJS" at kilalanin ang bagong bayaning atleta ng bansa.
Samantala, kasabay ng pagsungkit ni Hidilyn ng gintong medalya sa Olympic, kilalanin naman ang lalaking nakasungkit ng gintong pag-ibig ng dalaga--si Julius Naranjo, na isa ring weightlifter.
Panoorin sa video ng ito ng "KMJS" ang kanilang nakakikilig na love story.
--FRJ, GMA News