Isang bomb-sniffing dog ng Philippine Coast Guard (PCG) na naimpeksiyon ang naisalba matapos mag-donate sa kaniya ng dugo ang kapwa niya aso.

Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing Hulyo 1 nang mapansin ng nag-aalaga sa bomb-sniffing dog na si Katkat na may kakaiba sa ikinikilos ng limang taong gulang na aso, lalo nang maglupaypay ito.

Ayon kay Lieutenant Senior Grade (LTSG) Kirk Acdal, PCG Veterinary officer, napansin ng handler ni Katkat na bukod sa matamlay si Katkat, hindi rin ito kumakain. Kaya Hulyo 4 nang i-admit na si Katkat sa isang veterinary clinic at doon nalaman na mababa ang kaniyang platelet.

Nang masuri, nalamang isang uri ng parasite ang humalo sa dugo ni Katkat, na pumasok sa kaniyang katawan sa pamamagitan ng kagat ng garapata.

"Para siyang dengue sir which is called canine ehrlichiosis. It is caused by Ehrlichia which is a specialized type of bacteria that lives inside the cell. Blood parasite siya sir," paliwanag ni Acdal.

Maaaring ikamatay ni Katkat ang dumapo sa kaniyang sakit kung hindi naagapan.

Sa tulong ng social media, agad nanawagan ang Coast Guard Southwestern Mindanao sa mga dog owner para sa donasyon ng dugo mula sa kanilang mga alagang aso.

To the rescue kay Katkat ang asong si Bingo.

"Hindi ko po naisip si Bingo kasi hindi ko po alam kung aabot siya sa timbang na puwedeng mag-donate ng dugo. Nakakalungkot po kasi kapag may nakita kang asong nagkakasakit," sabi ni Viena Conde, fur parent ni Bingo.

Bago isalin ang dugo ni Bingo kay Katkat, kinailangang mag-match ito at matiyak na wala ring sakit si Bingo.

Hulyo 5 nang isagawa ang blood transfusion kay Katkat.

Lubos ang pasasalamat ng PCG sa serbisyo ni Bingo.

"Napakalaking impact kasi it takes almost a year to train a Coast Guard working dog. So 'pag may malagasan tayo ng isa, aside sa it is expensive to train, mababawasan din po sa security issues natin," sabi ni Acdal.

"Masaya. Nakakatulong po kami lalo na siyempre kay Katkat, na-save po 'yung life niya," sabi ni Conde. -Jamil Santos/MDM, GMA News