Sinabi ni Senador Panfilo Lacson na tuloy na ang tambalan nila ni Senate President Vicente Sotto bilang presidential at vice presidential candidates sa Eleksyon 2022.
"Nabasa na talampakan namin sa Tour of Luzon kaya tuloy-tuloy [na] lulusong na kami," pagkompirma ni Lacson sa GMA News nitong Martes.
Nauna nang sinabi ni Sotto na tatakbo siyang bise presidente kung si Lacson ang makakatambal niya bilang kandidatong pangulo.
Nitong nakalipas na mga araw, nagsagawa sina Lacson at Sotto ng konsultasyon sa mga lokal na opisyal sa Luzon.
Si Sotto ang isa sa mga lider ng Nationalist People's Coalition (NPC), na nakikipag-usap umano para makipag-alyasa sa Aksyon Demokratiko para sa darating na halalan.
Cayetano, 'di tatakbong VP
Samantala, sinabi naman ni dating Speaker Alan Peter Cayetano na posisyon bilang pangulo o pagka-kongresista muli ng Taguig ang pinag-iisipan niyang takbuhan sa darating na halalan.
“I’m not really considering for vice president… May mga nagsasabi na puwedeng mag-senador, but I’m really contemplating muna ano ang magiging future natin in the first year after Duterte,” paliwanag ni Cayetano.
Noong 2016 elections, tumakbong bise presidente si Cayetano na katambal si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Cayetano, magdedesisyon siya sa mga susunod na linggo, na ang pinakahuli ay sa Setyembre tungkol sa posisyon na tatakbuhan sa May 2022 polls. --FRJ, GMA News