Patay ang isang lalaking bumibili sa tindahan matapos siyang barilin nang malapitan sa batok sa Maynila. Ang salarin, tumakas sakay ng motorsiklo.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing nangyari ang karumal-dumal na krimen habang tirik ang araw sa Barangay 667, Zone 71 sa Maynila.
Sa kuha ng CCTV ng barangay, nakita ang dalawang suspek na sakay ng isang motorsiklo na tumigil hindi kalayuan sa water refilling station.
Hindi nagtagal, dumating na ang biktima na nagtungo sa naturang tindahan.
Ang hindi alam ng biktima, lumapit na sa likuran niya ang isang salarin na armado ng baril at pinaputukan siya sa batok.
Nang matumba ang biktima, sumakay na ang dalawang salarin sa motorsiklo at umalis.
“Bigla na lang ho sumulpot ‘yung motor eh, siguro nagmamanman. Pero bago binaril ‘yung biktima, may kausap pa sa cellphone ‘yung isa,” ayon kay barangay administrator Anthony Zabala.
“Ang sabi po sa amin ‘yan po ay matagal na board dito. Mga five months na hindi daw nakakabayad ng upa… ang hinihinala namin baka may atraso," dagdag niya.
Sinabi naman ni Manila Police District PIO Police Captain Philip Ines, na may posibilidad na may nagbibigay ng impormasyon tungkol sa biktima.
“Kasi nakita natin pagkalabas nung tao andyan na ‘yung dalawa. Unusual ‘yun na ikaw na ‘yung magmamaneho ikaw pa rin ‘yung magiging gunner… kalimitan kasi ‘yung backride ‘yung gumagawa niyan,” anang opisyal.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na mula sa Jolo, Sulu ang biktima na may tirahan sa Quiapo.
Sinabi naman ng motorcycle ride-hailing app na Angkas na handa silang makipagtulungan sa imbestigasyon matapos na makita sa CCTV na suot ng namaril ang kanilang uniporme.
Pero kahit nakasuot ng kanilang uniporme ang salarin, hindi raw iyon kaagad mangangahulugan na miyembro nila namaril.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin.--FRJ, GMA News