Isang pick-up truck ang aksidenteng sumalpok sa isang bangko sa Trece Martires, Cavite.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa “24 Oras Weekend” nitong Linggo, makikita sa CCTV na ang kotse ay mabagal na lumiko ngunit biglang dumiretso nang mabilis papuntang parking.
Gawa nito, ang kotse ay bumangga sa isang bangko. Nabasag ang glass panel ng bangko at makikitang ang kotse ay sumampa pa sa ilang baitang ng hagdan sa harap.
Ayon sa saksi na tumanggi nang magpakilala, dalawa ang nasaktan sa aksidente - ang gwardya ng bangko at isang 47-taong gulang na babae.
“Human error” ang nangyari, sabi ni Trece Martires chief Police Lieutenant Colonel Junar Alamo.
“Imbes na preno ang matapakan, acceleration ang kanyang natapakan,” sabi niya.
Hindi pagmamay-ari ng drayber ang kotse na nakabangga, kung kaya’t ito’y nag-iiyak matapos ang aksidente.
Nakalabas na noong Sabado ang mga biktima ng aksidente. Nakipag-areglo na rin sa kanila ang naka-aksidente.
“Nagkasundo nalang both parties sa kanilang babayarin sa hospital then yung damage do’n sa bangko ay ipapagawa nalang nung naka-aksidente,” sabi ni Alamo.
Upang maiwasan na maulit ang pangyayari, paalala ng pulis na “mag-concentrate sa pagmamaneho.” — Franchesca Viernes/DVM, GMA News