Inanunsyo ng Department of Health nitong Biyernes na mayroon nang local cases ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19 sa Pilipinas. Dalawa sa 11 naitalang kaso ang nasa Metro Manila, at pumanaw ang isa.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, bukod sa 11 local cases ng Delta variant, nadagdagan pa ito ng limang kaso na mula naman sa returning overseas Filipinos (ROFs).
Sa kabuuan, 35 na ang Delta variant cases na naitala sa bansa.
Sa 11 local cases, dalawa ang nasa Metro Manila, anim sa Region 10, at dalawa sa Region 6. May isang nagpositibo rin sa Metro Manila pero sa Region 3 ang kaniyang tirahan.
Maliban sa isang pasyente sa Metro Manila na pumanaw, gumaling naman ang 10 iba pa.
“All these cases have no known connection to each other,” ayon kay Vergeire.
Sinabi naman ni DOH Epidemiology Bureau director Dr. Alethea De Guzman, na kabilang sa local Delta cases ang isang pasyente na 14-anyos at isang 18-anyos.
Idinagdag niya na isa lang sa mga pasyente ang fully vaccinated na.
Samantala, isa sa limang ROF-Delta cases ay nanggaling sa United Kingdom, dalawa ang galing sa Qatar, habang beniberipika pa ang dalawa.
Pawang gumaling na ang mga pasyente na galing UK at Qatar matapos ang kanilang 14-day quarantine period.
Face mask pa rin sa Pasko
Kaugnay nito, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III, na hindi dapat umasa ang mga Pinay sa face mask-free Christmas dahil sa kakulangan pa rin ng bakuna sa bansa.
"Mukhang made-delay 'yon. 'Wag muna nating asahan 'yan kasi mapu-frustrate lang tayo na umaasa tayo. Pinaaasa natin ang taumbayan eh hindi naman natin kontrolado ang supply," paliwanag niya sa Super Radyo dzBB. —FRJ, GMA News