Natukoy na umano ang 14 indibidwal sa Italy na pinaniniwalaang mga kaapu-apuhan o descendant ng Renaissance polymath na si Leonardo da Vinci, matapos ang isang pag-aaral.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing inilabas nitong Hulyo 4 ang pag-aaral tungkol sa family tree ni Da Vinci, kung saan hinanap ng mga researcher ang genealogy ng artist sa loob ng halos 700 taon at 21 henerasyon, o mula 1331 hanggang sa kasalukuyan.
Nagsimula ang pag-aaral sa great, great grandfather ni Da Vinci na si Michele.
"This will make available useful elements to scientifically explore the roots of his genius, to find information on his physical prowess and on his possibly precocious aging, on his being left-handed and his health and possible hereditary sicknesses, and to explain certain peculiar sensory perceptions, like his extraordinary visual quality and synesthesia," ayon sa pag-aaral na isinagawa ng historian na si Alessandro Vezzosi, at ng presidente ng Da Vinci Heritage Association na si Agnese Sabato.
Pinag-aralan nina Vezzosi at Sabato ang limang pangunahing branches ng Da Vinci family tree.
Sininsin nila ang mga dokumento sa pamamagitan ng isang unbroken male line mula sa ama ni Da Vinci na si Ser Piero at half-brother na si Domenico upang matukoy ang mga buhay na kamag-anak ng Renaissance artist.
Lumabas na tinatayang nasa edad isa hanggang 85 anyos umano ang mga buhay na kaapu-apuhan ni Da Vinci.
Balak ng mga researcher na magsagawa ng genetic analyses sa mga buhay na kamag-anak umano ni Da Vinci, kung saan inaasahang makatutulong ang DNA study para sa beripikasyon ng labi ng artist.
Hindi nagkaanak ang si Da Vinci, pero kabilang sa kaniyang blood relatives ang kaniyang 22 na half-siblings.
Ipinanganak si Da Vinci noong Abril 15, 1452, at kilala sa mga painting na "The Last Supper" at "The Mona Lisa."
Pumanaw siya noong 1519, na pinaniniwalaang nakalibing sa Amboise, France. —Jamil Santos/LBG, GMA News