Dumating ang tulong para sa isang babaeng delivery rider na napahagulgol sa kalsada matapos nakawin ang kaniyang bisikleta sa Gil Puyat sa Makati City.
Sa ulat ni Katrina Son sa GTV "State of the Nation," sinabing alas dose ng tanghali ng ika-8 ng Hulyo nang nakawin ang bisikleta ni Mary Rose Barboza sa harap ng isang pizza parlor sa nabanggit na lugar.
Agad na nagtungo si Barboza sa Brgy. San Isidro para humingi ng tulong, kung saan nakita sa CCTV na ginamit ng isang lalaki ang kaniyang bisikleta.
Napaupo na lang si Barboza sa gilid ng kalsada at napaiyak dahil hindi niya alam ang gagawin, katabi ang gamit niya na bag para sa delivery.
Nag-viral ang video ni Barboza, na pinalibutan ng kaniyang mga kapwa rider, at ang isa ay sinubukan siyang pakalmahin.
Nagtrabaho si Barboza bilang food delivery rider para sa pantustos sa pamilya.
Dahil wala siyang motor, bisikleta ang kaniyang gamit.
"Natatakot po minsan kasi 'yung mga kasabay ko sa kalsada is mga truck, mga kotse, tsaka po 'pag inaabutan ng gabi kailangan ko na pong magmadali," sabi ni Barboza.
Maraming netizens ang nahabag nang makita ang post sa social media ng video ni Barboza, tulad na lamang ng bike shop owner na si Matthew Rey-Matias na agad hinanap ang delivery rider.
Malaki ang pasasalamat ni Barboza na nabigyan siya ng bagong bisikleta dahil muli siyang makakapaghanap-buhay. —Jamil Santos/LBG, GMA News