Binaril ng isang teenager ang kaniyang kaibigan dahil umano sa selos sa Tondo, Maynila, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Huwebes.

Nakaligtas naman ang binaril matapos pumalya ang baril ng suspek.

Nakuha naman ng CCTV ang naganap na pamamaril. Kita sa video kung paano ilang beses tinangkang barilin ng suspek ang 19-anyos na biktima ngunit hindi pumutok ang baril.

"Nagulat na lang po ako pagtingin ko pinuputok niya po pero hindi pumuputok," kuwento ng target. "Tumakbo na lang po ako at sumigaw."

Umalis ang gunman at matapos ang ilang oras ay bumalik ito, pero nagluko pa rin ang kaniyang baril.

Sa bandang dulo ay napaputok na ng suspek ang baril pero sa bahay tumama ang bala. Walang nasaktan sa pamamaril pero nagalusan ang biktima habang tumatakbo.

Nahuli ang gunman matapos magsumbong sa pulis ang biktima. Pati ang may-ari ng baril ay naaresto rin.

Aminado ang 18-anyos na suspek sa krimen. Aniya, nagawa lang niya ito dahil sa selos.

Napag-alaman na nobya na ngayon ng biktima ang dating kasintahan ng suspek.

Aminado rin ang suspek na nakainom siya nang gawin niya ang krimen.

Desidido naman ang biktima na magsampa ng reklamong attempted murder laban sa suspek, na nahaharap din sa reklamong illegal possession of firearms.

Sa harap ng pangyayari, nahanda na raw magparaya ang suspek sa babaeng mahal niya.--FRJ/KBK, GMA News