Naging laman na pala ng balita noong 2017 ang lalaking tinugis ng mga pulis mula Quezon City hanggang Maynila nitong Martes, at nakabangga pa ng ilang sasakyan.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News “24 Oras" nitong Miyerkules, napag-alaman na dati na ring tinugis ng mga pulis noong September 2017 ang suspek na si Arvin Tan.

Nangyari ang insidente sa Maynila nang kunan niya ng larawan nang walang pahintulot habang nasa loob ng police station ang isang testigo sa pagkamatay sa hazing victim na si Horacio Castillo.

Natakasan ni Tan ang mga pulis nang sandaling iyon pero natunton naman ang kaniyang bahay kinabukasan.

Naibalita pa ang naturang paghuli kung saan nakita si Tan na umakyat pa sa balcony ng bahay para takasan na naman sana ang mga pulis.

Nakasuhan siya noon ng malicious mischief.

Nais malaman ng Quezon City Police District kung ano ang nangyari sa naturang kaso at bakit ito nakalaya.

“Pinapunta ko na sa MPD sa Manila atsaka doon sa court nila kung anong naging status ng kaso, bakit siya na-release,” sabi ni QCPD Station 10 commander Police Liuetenant Colonel Alex Alberto said.

“Baka dahil doon sa pinapakita niya na PWD [person with disability] siya atsaka ‘yung sinasabi niya na may mental illness siya ganon. Ang nakaka-ano po dito ay kung talagang may ganoon ay hindi na na-isyuhan ng driver license,” dagdag ng opisyal.

Nitong Martes, hinabol ng mga pulis si Tan matapos tumakas nang ireklamo siya ng isang motel dahil sa hindi pagbabayad.

Nahaharap siya sa mga kasong paglabag sa R.A. 10586 o Anti-Drunk Driving Law, damage to property, resisting arrest, disobedience to a person of authority, at estafa.

May nakita ring sachet ng hinihinalang ilegal na droga sa kaniyang sasakyan na isinailalim na sa pagsusuri.

Kasalukuyang nasa Quirino Memorial Medical Center si Tan, pero hiniling ng kaniyang pamilya na ilipat siya ng ibang pagamutan.

“Sige, papayagan natin pero after inquest. Pilitin natin na ma-inquest siya,” ani Alberto. —FRJ, GMA News