Nakipagkita si Davao City Mayor Sara Duterte kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nitong Miyerkules.

"Yes, I had lunch with FPGMA. No comment on other matters," sabi ng alkalde sa GMA News Online.

Nangyari umano ang pagpupulong ng dalawa sa isang hotel sa Maynila.

Sa tweet mula kay GMA News reporter Tina Panganiban Perez, sinabing ang pakikipagpulong ni Duterte kay Arroyo ay para sa "continuing consultations."

 

 

Kasama sa pulong si Davao Occidental Governor Claude Bautista ng Hugpong ng Pagbabago, na regional party na binuo ni Mayor Sara.

Sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, lumitaw na nangunguna si Mayor Sara sa napupusuan ng mga respondent na maging susunod na pangulo ng bansa sa Eleksyon 2022.

Nanguna naman ang kaniyang ama na si Pangulong Rodrigo Duterte sa listahan ng mga posibleng tumakbong bise presidente.

Nitong nakaraang linggo, sinabi ng alkalde na bukas siya sa posibilidad na tumakbong pangulo ng bansa.

Inihayag ito ni Mayor Sara nang makipagpulong siya kay Cebu Governor Gwen Garcia.

Sina senador Sonny Angara at Imee Marcos, naniniwala na magiging "candidates to beat" ang mag-amang Duterte kung tatakbo sila presidente at bise presidente sa Eleksyon 2022.

Paliwanag ni Angara, karaniwang humihina ang popularidad ng pangulo habang papalapit ang pagtatapos ng termino, bagay na hindi nangyayari kay Pangulong Duterte.

“The only thing that can derail his chosen successor is the failure to unite behind a single candidate, similar to how the people of [President Benigno “Noynoy” Aquino III] backed different candidates in 2016,” paliwanag ni Angara.

Sinabi naman ni Marcos na dapat abangan kung ano mangyayari sa tambalan ng mag-ama dahil sa naging pahayag ni Mayor Sara na tutol siya sa Duterte-Duterte tandem sa darating na halalan.

“Ang mag amang [Duterte] ang pinakamalakas na kandidato. Kaya lang, nasabi na ni Mayor Sara na ‘di raw siya makiki-tandem sa ama niya. Abangan ang susunod na kabanata,” sabi ni Marcos na kilalang kaalyado ng alkalde.— FRJ, GMA News