Aabot sa P40,000 halaga ng alahas ang aksidenteng naitapon, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.
Sa kabutihan palad, isang basurero ang nakadampot ng mga alahas at nagsauli sa may-ari.
Ayon kay Pedro Bautista, ang basurerong nakapulot ng mga alahas, inihihiwalay niya ang mga nakuhang basura nang makita niya ang isang box na naglalaman ng mga alahas.
Agad niyang dinala sa barangay ang box at mga laman nito. Sa tulong ng pangalan at address na nakalagay sa box ay natunton ang may ari nito.
Labis naman ang pasasalamat ng may-ari ng box na isang online seller.
Aniya, aksidenteng naitapon ng kaniyang ina ang box nung dumaan ang garbage truck.
Samantala, hindi naman tinanggap ni Bautista ang pabuyang inialok sa kaniya. —KBK, GMA News