Sugatan ang dalawang tao matapos mamaril ang isang lasing na pulis sa headquarters ng Manila Police District nitong Biyernes ng gabi.

Ang dalawang kapwa pulis ay sugatan matapos rumesponde sa insidente, batay sa tweet ni GMA reporter Mai Bermudez nitong Sabado ng umaga.

Ayon naman sa report ng Super Radyo dzBB, gumamit ang suspek ng Armalite o M-16 na baril at una nitong pinuntahan ang tanggapan ni MPD Director Police Brigadier General Leo Francisco.

Mabuti na lamang ay wala si Francisco noong nagpaputok ng baril ang supek sa loob ng himpilan.

Dahil sa pagpapaputok ng baril ng suspek, napilitan rumesponde ang dalawang naka-duty na pulis sa MPD Headquarters.

Sa kasalukuyan, inaalam pa ang lagay ng pulis na namaril dahil ito ay sugatan din noong siya ay dalhin sa pagamutan. —Hana Bordey/KG, GMA News