Patay ang isang operator ng kalesa sa Tondo, Maynila nitong Linggo ng umaga matapos siyang pagbabarilin ng kapwa operator na umano'y napikon sa kanilang asaran.
Nakilala ang biktima na si Arsenio dela Cruz, 63, ayon sa ulat ni Jhomer Apresto sa Dobol B TV nitong Martes.
Operator ng kalesa, patay matapos siyang pagbabarilin ng kapwa niya operator na umano'y napikon sa kanilang asaran sa Brgy. 91, Tondo, Maynila. | via @jhomer_apresto pic.twitter.com/IpaZ1oJ8bi
— DZBB Super Radyo (@dzbb) June 21, 2021
Nangyari ang insidente sa Barangay 91.
Ayon kay Manila Police District Homicide Section chief Police Lieutenant Adonis Aguila, nag-ugat ang insidente nang mapikon ang biktima sa sinabi ng suspek na si Enrique Calila, 55, tungkol sa kare-kare, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.
Umalis ang suspek at pagkabalik ay binaril ang biktima ng dalawang beses.
Tumakas ang suspek at nakita sa CCTV na kasama nito ang isang lalaking nakilalang si Mark Lester Isavedra.
Nag-check in ang dalawa sa isa isang hotel sa Rizal Avenue kanto ng Tayuman upang magtago subalit sumuko rin ang suspek matapos ang isang araw.
Hindi sinabi ng suspek kung saan niya itinapon ang baril.
Masasampahan ng kasong homicide ang suspek samantalang obstruction of justice naman ang kasong haharapin ni Isavedra.
Nanawagan naman ang kaanak ng biktima ng hustisya. —KG, GMA News