Nagsisisi raw ang 33-anyos na lalaki sa ginawang pagpatay sa kaniyang karelasyon sa Quezon City na isinemento pa ang bangkay sa bahay. Ang kasabwat niya sa krimen, hindi pa nahuhuli.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, inamin ng suspek na si Manuel de Guia ang ginawa nila ng kasabway na si Nelbert Saz, sa pagpatay sa kaniyang kinakasama na si Maria Teresa Caballero noong June 10.
Ayon kay De Guia na aminadong gumagamit ng ilegal na droga, pagnanakaw ang pakay nila sa ginawang krimen.
Masama rin daw ang kaniyang loob dahil nais na umanong makipaghiwalay sa kaniya si Caballero.
Bukod kay De Guia, sinasaksak din nila ang anak ni Caballero pero hinayaan nilang mabuhay dahil sa pangakong hindi ito magsusumbong sa pulis.
Pero nagsumbong sa pulisya ang anak at naaresto kaagad si De Guia.
Patuloy naman na pinaghahanap si Saz, na caretaker ng mga biktima.
Dating security guard sa subdibisyon si De Guia bago naging karelasyon ng ginang sa loob ng pitong taon.
Samantala, nilinaw naman na pinalaya si Elmer Mina, dahil walang nakitang basehan ang piskalya para isangkot siya sa krimen.
Nadawit ang pangalan ni Mina sa krimen dahil sa kaniya nakita ang susi ng sasakyan ng biktima.
Pero ayon kay De Guia, walang alam at nagpamaneho lang siya kay Mina dahil sa sugatan din siya noon.
Ayon kay QCPD chief Police Brigadier General Antonio Yarra, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring krimen at aalamin pa rin nila kung paano napunta kay Mina ang susi ng sasakyan. — FRJ, GMA News