Nagkaroon ng kaguluhan sa pila ng mga magpapabakuna sa COVID-19 nitong Linggo sa Sta. Ana, Maynila nang may sumingit umano.
Ayon sa mga residente, nakapila ang maraming tao bandang 11:30 ng umaga sa labas ng Sta. Ana Elementary School nang may namataan silang pinapasok gamit ang pangalawang gate ng paaralan, ayon kay Rjay Defeo ng GMA News.
"Nagpapasok sila kahit wala sa pila. Kami, kanina pang ala-una nang umaga dito," ani isang residente.
Tinawag ng mga residente ang mga umano'y sumingit sa pila ngunit hindi sila pinansin ng mga ito.
Mahaba pa rin ang pila ng mga nais magpabakuna sa Sta. Ana Elementary School sa Maynila kahit ubos na ang nakalaang supply ng #COVID19 vaccine doses ngayong Linggo. @gmanews pic.twitter.com/4jDPs7bSPH
— Rjay Defeo (@RjayGma) June 20, 2021
Samantala, nanatili namang nakapila ang mga residente sa labas na paaralan kahit na naubos na ang supply ng mga bakuna para sa araw na ito.
Sa dami rin ng nakapila, hindi na nasunod ang physical distancing.
"First come, first served" ang polisiya ng pagbabakuna laban sa COVID-19 sa mga vaccination site sa Maynila.
May mga limitadong supply ng bakuna kada vaccination site bawat araw. —KG, GMA News