Sa kulungan ang bagsak ng isang 57-anyos na babae matapos siyang magpanggap na empleyado ng Bureau of Immigration at singilin ang dayuhan niyang biktima ng P110,000 para sa mabilis na pagproseso ng visa.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras," kinilala ang suspek na si 57-anyos na si Melinda Pandey.
Mapapanood sa isang video na nagkita sina Pandey at ang complainant sa isang cofee shop sa mismong katapat ng Bureau of Immigration.
Sumugod na ang mga ahente ng NBI Anti-Fraud Division nang makuha na ng suspek ang P10,000 marked money.
"Nagpanggap na aktuwal na immigrations employee, and because of this marami siyang napaniwala kasama itong complainant natin na nagpo-process ng kaniyang dokumento at nagbigay ng pera sa ating subject," sabi ni Palmer Mallari, hepe ng NBI Anti-Fraud Division.
Ayon sa biktima, nakausap niya ang suspek para sa pagproseso ng kaniyang 9G visa o pre-arranged employment visa para sa mga dayuhan.
Sa halagang P50,000 hanggang P60,000 lang ang dapat na singil pero humingi ang suspek ng P110,000 para mapabilis ang pagproseso.
Nobyembre ng 2020 pa naibigay ng dayuhan ang pera pero puro pangako lang ang kaniyang nakukuha hanggang ngayon mula sa suspek kaya hindi siya nakauwi sa kanilang bansa nang mamatay ang kaniyang ina.
"She told me she is working inside immigration, that's why I thought 'If she is working inside immigration, this is good, so I can trust her,'" sabi ng biktimang si "Murad."
"I lost more money, more time, already waiting one year. I can't believe myself what I did," dagdag ng biktima.
Todo-depensa si Pandey sa akusasyon.
"Willing naman ako ayusin, kasi kahit noong nakaraan tumatawag din siya sa akin. Sabi ko 'Sige don't worry I will do your paper, sinasabi ko naman po sa kaniya.' Hindi ko naman po puwedeng takbuhan 'yun kasi na-receive ko po 'yung pera," sabi ni Pandey.
Ayon kay Mallari, sasampahan nila ang suspek ng kasong estafa sa ilalim ng Revised Penal Code. —LBG, GMA News