Aabot sa P1.6 milyon na halaga ng mga alahas ang natangay umano ng isang kasambahay na isang linggo palang namamasukan sa tahanan ng isang duktora at kapatid nito sa Quezon City.
Ayon sa pahayag ni Dra. Virginia Delos Reyes, isang pulmonary physician na gumagamot sa mga tinamaan ng COVID-19, kinilala niya ang kasambahay na si Annalyn Montemayor Tiglao, na nagpakilalang mula sa Caloocan City.
Sinabi ni Delos Reyes na aabot sa P100,000 ang nawala sa kaniyang mga alahas at relo, at nasa P1.5 milyon naman ng mga alahas ang nawala sa kaniyang kapatid.
Nalaman daw ng biktima na nawawala na ang kanilang mga alahas at ang kasambahay noong Lunes, Hunyo 7, nang umuwi na sa bahay si Delos Reyes matapos manggaling sa ospital.
Kaagad na nagsumbong ang biktima sa Quezon City Police District Masambong Police Station, at hinahanap na ang kasambahay.
Nanawagan si Delos Reyes ng tulong sa mga awtoridad para mahuli ang suspek upang hindi na makapambiktima pa ng iba.--FRJ, GMA News