Nasawi ang isang aso na nakapatay umano ng manok matapos itong ilang beses na paghahatawin ng dalawang lalaki sa Malolos, Bulacan.

Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, makikita sa video ang ginawang paghabol ng isang lalaki na may hawak na mahabang bagay sa Siberian Husky na si Evelyn.

Dahil sa takot ng aso, nagtago ito sa ilalim ng nakaparadang van.

Pero tila walang takas ang hayop dahil may kasama ang lalaki na isa pang lalaki na may hawak ding mahabang bagay.

Ilang saglit pa, pinapalo na nila ang aso para makaalis ito mula sa ilalim ng van.

Nang umalis ang nakaparadang sasakyan, sinundan pa ng mga lalaki ng walang humpay na pagpapalo ang nakahandusay nang aso.

Nang wala nang malay ang Husky, kinaladkad ito papalayo. Pero hindi pa pala nakuntento ang lalaki dahil muli nitong pinagpapalo ang aso saka muling kinaladkad.

Nangyari ang insidente nitong Huwebes.

Ang Syberian Husky na si Evelyn,

Ayon kay Nicka Arejola, may-ari ni Evelyn, nakawala ang kaniyang aso kaya agad nila itong ini-report sa marshal ng kanilang subdivision, at dito hinananap ang aso.

Nakaramdam na sila ng takot nang mabalitaang may napatay na aso sa kabilang kalye.

Sinabi ni Arejola na ikinwuwento ng ilang residente sa lugar nakapatay ang kaniyang aso ng manok na pag-aari ng mga lalaki.

"Hindi po namin malaman bakit kailangang patayin kasi puwede naman po sanang hinanap niya ang may-ari para nakausap niya po kami," sabi ni Arejola.

"Grabe po 'yung ginawa po nila. Patay na po eh, nasa sahig na, wala nang laban 'yung aso, bigla pa nilang todo-pukpukin pa," dagdag ng may-ari ng nasawing aso.

Naghain na ng reklamo sa barangay si Arejola at nakatakda silang magharap ng dalawang lalaki.

Sinubukan ng GMA News na kunin ang pahayag ng mga lalaking nasa video pero nabigo na makausap sila.

Labag sa batas ang pagmamalupit at pagpatay na ginawa ng mga lalaki sa Husky, at maaari silang makulong ng anim na buwan hanggang isang taon at magbayad ng multa.

Sinabi ng mga eksperto na bagama't mababait ang mga Husky, breed at trained ang mga ito para mag-hunting.

Para maiwasan na makapanakit ang mga asong may ganitong bloodline, huwag silang hayaang makawala sa kulungan o sa nakasanayang environment. -Jamil Santos, GMA News