Arestado ang isang lalaki sa Quezon City matapos maaktuhang naglilibing ng isang fetus, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes.

Naaktuhan sa isang madilim na bahagi ng Barangay Greater Lagro ang lalaki, na itinuturo ring ama ng fetus, nitong Huwebes ng gabi.

"Actually ready na niyang ilibing yung bata, may hukay na po," ani Pritz Archie Salibio, miyembro ng Task Force Disiplina.

Sa tantiya ng mga otoridad, nasa anim hanggang pitong buwan ang fetus.

Ayon sa lalaki, na residente ng Caloocan, ang 14-anyos na anak-anakan niya ang ina ng fetus. Hindi raw niya alam kung saan ito ililibing kaya naghanap siya ng tagong lugar.

"Nag-aalangan ako sa mama niya kasi nasa ibang bansa, tapos bata pa yun, masisira ang kinabukasan," anang suspek patungkol sa ina ng fetus.

Lumalabas sa imbestigasyon na ang suspek ang mismong nakabuntis sa kaniyang anak-anakan. Sasampahan ng suspek ng reklamong intentional abortion batay sa pahayag ng kaniyang anak-anakan.

Nasa kustodiya na ng Caloocan Police ang suspek. KBK, GMA News