Kasunod ng pagluluwag sa travel restrictions para sa lokal na turismo ng bansa, puwede nang bumiyahe sa Baguio City at Boracay ang nasa NCR Plus area na nakapailalim sa general community quarantine (GCQ) basta susundin lamang ang health protocols ng mga lokal na pamahalaan.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing dapat "point to point" ang biyahe ng mga mamamasyal.
Tanging sa mga "emergency" lang papayagan na tumigil ang mga bibiyahe o kung kailangang kumain.
Dapat mayroon ding dapat na negative RT/PCR test ang mga bibiyahe bago sila magtutungo sa kanilang destinasyon.
Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Puyat, pumayag ang pandemic task force ng pamahalaan sa kahilingan ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong tungkol sa pagtanggap ng mga turista.
Ikinatuwa naman ni Patrcick Querubin, may-ari ng travel agency ang naturang hakbang para matulungan ang mga manggagawa sa sektor ng turismo na naapektuhan ng pandemiya ang trabaho.
Ang mga nagbabalak na magpunta sa Baguio ay kailangan magpatala sa website na https://visita.baguio.gov.ph/.
Gayunman, wala pang abiso ang lokal na pamahalaan ng Benguet, kung tatanggap na sila ng mga turista dahil nakapailalim pa sila sa modified enhanced community quarantine status.
Hanggang June 15 sa Boracay
Samantala, inihayag din ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan ang pagtanggap nila ng turista mula sa GCQ areas tulad ng NCR Plus hanggang June 15.
“On behalf of the DOT, I thank our colleagues in the IATF for this development. Allowing leisure travel for all ages from the NCR Plus Bubble to MGCQ Areas will surely help local tourism back on track towards recovery,” sabi ni Romulo-Puyat sa pahayag.
Bukod sa patakaran ng DOT na dapat mayroong negative RT-PCR test ang mga bibiyahe, ipinatutupad din ang interzonal travel regulations ng lokal na pamahalaan, at maging ang direktiba ng Boracay Inter-Agency Task Force.
Ang NCR Plus ay kinabibilangan ng NCR, Bulacan, Cavite, Rizal, at Laguna.
"We are looking forward to once again see our tourism destinations welcome tourists from the NCR Plus area,” ani Puyat.
“Of course, this has to be done with utmost precaution. The DOT shall continue to strengthen its coordination with our LGUs to ensure the strict compliance of health and safety protocols," dagdag niya.
Hiniling din ni Puyat na sundin ng mga turista ang minimum health protocols.
“I know our kababayans have been wanting to go out and enjoy during the summertime, but let us practice responsibility to protect ourselves and the communities in your chosen destinations," aniya.--FRJ, GMA News