Pinayagan na ng pamahalaan ang pamamasyal ng nasa NCR Plus sa mga lugar na nasa general community quarantine (GCQ) at modified GCQ areas sa lahat ng edad simula sa June 1 hanggang 15 pero may mga kondisyon.
Sa press briefing nitong Martes, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na dapat na negatibo sa COVID-19 test ang mga maglalakbay para sa lokal na turismo, at dapat sumunod sa mga patakaran ng lokal na pamahalaan na kanilang pupuntahan.
Idinagdag ni Roque na dapat "point-to-point " ang naturang biyahe.
Sakop ng NCR Plus ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna.
Idinagdag ni Roque na pinapayagan na rin ang outdoor non-contact sports, 30% operating capacity sa venue meetings o conferences, 40% operating capacity sa personal care services, at 30% outdoor tourist attractions sa mga lugar na nasa GCQ with heightened restrictions, kabilang ang Metro Manila.
Bago nito, unang pinapayagan lamang ng pamahalaan ang "staycations" at point-to-point air travel sa NCR Plus area.
Una rito, sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na hiniling nila sa The Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF), na tanggapin ang kanilang rekomendasyon na hayaang makabiyahe ang mga mamamasyal sa labas ng NCR Plus basta negatibo sa virus dahil mababa na ang COVID-19 cases sa lugar.
Sinabi ni Puyat na makatutulong sa lokal na turismo ang naturang hakbang.
Una rito, pinayagan din ng IATF ang mga resorts sa GCQ areas na mag-operate ng 30% capacity simula sa June 1.—FRJ, GMA News