Isang Canadian senior citizen ang nag-amok sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos siyang pagbawalang bumiyahe dahil sa mag-e-expire na niyang RT-PCR test.

Sa ulat ng Unang Balita ng GMA News nitong Martes, sinabing hindi pumayag ang airline na isakay ang dayuhan patungong Korea, kung saan naman siya lilipad papuntang Canada.

Bukod dito, ilang oras na lamang nang dumating siya galing Cebu at mag-e-expire na rin ang kaniyang RT-PCR test.

Ayon sa Canadian na si Jim, sa Cebu dapat siya sasakay pauwi ng Canada pero naapektuhan siya ng pag-divert ng international flight doon kaya kailangan niyang lumipad pa-Maynila.

Sa NAIA Terminal 1 muna pansamantalang natulog ang dayuhan.

Nakikipag-ugnayan na rin ang NAIA sa Canadian Embassy para sa sitwasyon ng Canadian. —Jamil Santos/KG, GMA News