Arestado ang isang pulis matapos ma-hulicam ang pagbaril sa 52-anyos na ginang na kanyang kapitbahay sa Barangay Greater Fairview sa Quezon City nitong Lunes ng gabi.
Nakilala ang suspek na si Police Master Sergeant Hensie Zinampan na naka-assign sa Police Security and Protection Group, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.
Ang biktima naman ay nakilalang si Lilibeth Valdez.
Ang suspek na si PMSg Hensie Zinampan na nakatalaga sa PSPG, ituturnover sa CIDU sa Camp Karingal. Itinaggi niya na siya ang pumatay sa biktima kahit pa kitang-kita sa video ang kanyang pagbaril. @gmanews @dzbb pic.twitter.com/KRiwzO5gYd
— James Agustin (@_jamesJA) May 31, 2021
Nakuhanan pa ng video ang buong pangyayari sa Sitio Ruby.
Alas-nuebe ng gabi ng Lunes nang bumili ng sigarilyo sa tindahan ang biktima.
Agad lumapit ang suspek, bumunot ng baril mula sa bag, inilagay ito sa kanyang likuran, at kinausap ang biktima.
Maririnig sa video na sinabi ng suspek na pareho silang lasing ng biktima.
Maya-maya lang ay sinabunutan ng suspek ang biktima. Nagmakaawa ang biktima ngunit binaril ito nang malapitan ng suspek. Dead on the spot ang biktima.
Agad namang naglakad palayo ang suspek.
Ayon kay Beverly Luceño, anak ng biktima, dati nang may alitan ang suspek at ang kanyang kuya. Nagsuntukan daw sila dahil pareho silang lasing.
Inaresto ng Fairview Police ang suspek at nakuha sa kanya ang baril na umano'y ginamit sa krimen.
Todo tanggi naman ang suspek at sinabing hindi niya ginawa ang krimen, kahit na may video.
Sabi naman ni Luceño, sana ay makonsensiya ang biktima at managot ito sa nangyari sa kanyang ina.
Dinala na ng mga pulis ang suspek sa Camp Karingal.
Samantala, sinabi ni Philippine National Police chief Police General Guillermo Eleazar na hindi katanggap-tanggap ang pangyayari dahil pulis ang dapat magprotekta sa taumbayan.
Inutusan ni Eleazar ang Quezon City Police District na agad maghain ng administrative charges laban sa suspek para maialis na ito sa serbisyo. —KG, GMA News