Arestado ang isang lider umano ng kulto sa Quezon City matapos daw gahasain ang tatlo niyang miyembro na menor de edad, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Lunes.
Nagsumbong sa pulis ang tatlong batang may edad 10, 12 at 14 anyos matapos umano silang pagsamantalahan ng lider ng sinalihan nilang religious group.
Ayon kay Police Lieutenant Elizabeth Jasmin, hepe ng QCPD Station 11, hinihipuan ng suspek ang mga bata bilang parte raw umano ng blessings.
Kinilala ang suspek na si Romeo delos Reyes, 46, nagtatrabaho bilang janitor sa isang warehouse.
Bagama't itinanggi ni Delos Reyes na ginahasa niya ang mga bata, inamin niya na minsan niyang nahawakan ang isa sa dibdib.
Ayon sa pulisya, naganap ang panggagahasa sa bahay ng suspek na nagsisilbi ring bahay-dasalan ng kaniyang mga miyembro.
Kuwento ng mga magulang ng biktima, hindi na nila makausap nang maayos ang kanilang mga anak matapos makitulog sa bahay ni Delos Reyes.
"Tulala sila kasi according dun sa mga parents na na-interview namin, hini-hypnotize sila. Pag tinanong sila hindi sila sumasagot. After how many days tsaka na lang sila nakakausap," ani Jasmin.
Kilala rin daw bilang albularyo ang suspek at isa sa mga nagamot nito ay ang mga magulang ng mga biktima. Libre raw ang serbisyo nito.
Ayon naman sa barangay officials, buwag na ang kulto. Nakasuhan na rin daw si Delos Reyes ng Rape in Relation to Child Abuse at Illegal Possession of Ammunition dahil may mga nakumpiska raw dito na mga bala.
Itinanggi naman ni Delos Reyes na sa kaniya ang mga bala. —KBK, GMA News