Pumalo na sa 43 ang bilang ng mga residenteng nagpositibo sa COVID-19 matapos dumalo sa inuman at reception ng isang kasal sa Barangay Old Balara sa Quezon City.
Iniulat ni Luisisto Santos sa Dobol B TV na inanunsyo ni Barangay Chairman Alan Franza na matapos ang isinagawang malawakang swab testing sa mahigit 300 na mga residente ng Area 7 sa kahabaan Luzon Avenue noong Sabado.
Ayon umano kay Franza, 12 ang nadagdag sa mga nagpositibo sa nauna nang 31 nahawaan ng coronavirus.
Nananatili pa rin umanong naka-lockdown ang bahagi ng Area 7 sa Luzon Avenue kung saan idinaos ang inuman at reception na pinagmulan ng carrier ang COVID-19.
Dinala na umano sa isang quarantine facility ang mga may sintomas, habang ang mga wala ay naka-quarantine sa kani-kanilang mga tahanan na nasa ilalim ngayon sa special concern lockdown. —LBG, GMA News