Sangkot din umano sa ilegal na droga ang motoristang babae na nag-viral nitong Huwebes dahil sa pananakit sa traffic enforcer na sumita sa kaniya nang lumabag sa batas-trapiko sa Maynila.
Ayon sa Manila Police District Special Mayor's Reaction Team, lumitaw sa isinagawang imbestigasyon sa babae na si Pauline Altamirano, na isa itong drug courier.
Sa ulat ni Rod Vega sa Super Radyo dzBB nitong Biyernes, sinabi ni MPD-SMaRT chief Police Colonel Rosalino Ibay, na nagsagawa sila ng follow-up operation matapos na malaman na sangkot din si Altamirano sa ilegal na droga.
Isang buy-bust operation ang isinagawa ng District Drug Enforcement Unit at MPD-SMaRT sa Cecilia Muñoz Street sa Ermita, Manila.
Naaresto sina Redentor Sanchez, Leopoldo Samero, Jason Santiago, at Marlon de Guzman, na nakuhanan ng ilang gramo ng droga na nagkakahalaga ng P35,000.
FLASH REPORT: Babae na nanakit sa isang traffic enforcer sa Maynila kahapon, isa ding drug courier, ayon sa Manila Police District Special Mayor's Reaction Team o MPD SMaRT. | via @Rodveg72 pic.twitter.com/xpKHIbIRXL
— DZBB Super Radyo (@dzbb) May 28, 2021
Ayon kay Ibay, bukod sa kasong isinampa dahil sa pananakita sa traffic enforcer, sasampahan din si Altamirano ng reklamong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa video post naman ni Manila Mayor Isko Moreno, sinabi nito na mayroon pang operasyon na isinasagawa ang pulisya kaugnay sa kasama ni Altamirano.
Una rito, sinita ng traffic enforcer si Altamirano nang lumabag siya sa batas trapiko pero hindi kaagad tumigil kaya siya hinabol ng mga awtoridad.
Nang abutan, napag-alaman na walang siyang lisensiya sa pagmamaneho at pilit na kinukuha sa enforcer ang OR/CR ng sasakyan.— FRJ, GMA News