Nahaharap sa mga reklamo ang isang babaeng motorista na nakuhanan ng video na sinasaktan ang isang traffic enforcer sa Maynila.

Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente kanina sa panulukan ng OsmeƱa Highway at Estrada St. sa Malate.

Sa police report, sinabing lumabag sa traffic signal ang babae na nagmamaneho ng SUV kaya pinara ng enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).

Pero sa halip na tumigil, nagtuloy-tuloy umano sa pag-arangkada ang motorista kaya naman hinabol siya.

Nang abutan ay hiningan ng lisensiya. Pero wala umanong lisensiya ang babae kaya kinuha ang OR/CR ng sasakyan.

Ikinagalit ng babae nang hindi ibalik sa kaniya ang OR/CR kaya pilit niya itong kinukuha sa enforcer.

Sa video, makikita na sinigawan at pinagsasampal ng babae ang enforcer habang pilit niyang kinukuha ang papel na OR/CR.

Nang pumasok ng sasakyan ang babae, hinawakan pa niya sa uniporme ang enforcer at patuloy na pinagsisigawan.

Sa nag-viral na video sa social media, may pagkakataon pa na sinipa ng babae ang enforcer.

Dahil sa nangyari, mahaharap sa mga reklamo ang babae na wala pang payagag tungkol sa nangyari.

Sa Facebook post Manila Public Information Office, sinabing dinala sa presinto ng Manila Police District-SMaRT ang babae.

Sinampahan siya ng kasong direct assault at driving without license.--FRJ, GMA News