Nasawi ang isang construction worker na hinuli dahil sa droga habang nasa kustodiya ng Caloocan City Police.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing isinalaysay ng mga pulis na dinakip ang lalaking si Mateo noong Mayo 18.

Pinuntahan siya ng kaniyang ama kinabukasan sa Caloocan Police Station upang dalawin.

Pero nang bumalik aman noong Biyernes, ika-21 ng Mayo napag-alaman niyang wala na roon ang kaniyang anak, na isinugod sa ospital.

Nang puntahan ng ama ang ospital, dinatnan niyang wala nang buhay ang kaniyang anak.

Nakalagay sa death certificate na atake sa puso at electrolyte imbalance ang ikinasawi umano ni Mateo.

Pero duda rito ang pamilya, base na rin sa sinabi ng doktor kung saan tila nakaranas ng torture si Mateo dahil sa kaniyang black eye at marami siyang bugbog sa katawan.

"May mga damage sa katawan ang anak ko. May dumagan sa dibdib at saka ang daming bugbog sa likod, 'yun ang sabi ng doktor, at saka may black eye dito," sabi ng ama ni Mateo.

Pinabulaanan ng Caloocan Police ang alegasyon at iginiit na COVID-19 suspect umano ang lalaki. Bukod dito, wala ring foul play na nangyari.

Ayon sa ulat, dumulog an ang pamilya ng biktima kay PNP Chief Guillermo Eleazar upang maimbestigahan ang kaniyang pagkamatay. —LBG, GMA News