Isang 18-anyos na lalaki na may kondisyon sa pag-iisip ang nanlaban umano kaya nabaril ng pulis sa isinagawang raid sa sabungan sa Valenzuela City. Pero ang ina ng biktima, hindi naniniwala na magagawang pumalag ng kaniyang anak.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Edwin Arnigo, na napatay sa sinalakay na ilegal na tupadang nagaganap sa barangay Lingunan nitong Linggo.
Ayon sa ina ng biktima na si Helen, nagpaalam lang ang anak na may bibilhin sa tindahan. Pero hindi nagtagal, may nagpunta na sa kanilang bahay at sinabing nabaril ng pulis ang kaniyang anak.
Dinala sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay dahil sa tinamong tama ng bala sa tagiliran, ayon kay Valenzuela Mayor Rex Gatchalian.
Sinabi ng mga pulis, dalawa ang nadakip sa tupadahan at nanlaban umano ang mga inabutan sa sabungan.
May mga nambato pa raw ng manok na may nakakabit na "tari" at may nakipagbuno pa sa pulis.
"Itong isa natin pulis na na-i-involve doon sa insidente, may hawak daw siyang suspek na di umano nagkataon naman na sinabayan siya. Nang inaagaw na baril niya nung biktima hanggang sa ito nga, naputukan niya, yung biktima," ayon kay Police Colonel Ramchrisen Villa Haveria Jr., Valenzuela Police.
Giit naman ni Helen, hindi manlalaban ang anak niya na payat lang umano samantalang malaki ang pulis.
May nagkuwento rin umano sa pamilya ni Helen na malapitan na binaril ang biktima.
"Pagbulagta ng anak ko, ginawa pang manok tinangay doon sa sabong," ani Helen.
Nang tanungin kung bakit ito ginawa ng pulis, sabi ng ina, "Hindi ko alam sir, siguro palabasin nila na nagtutupa yung anak ko. Eh paano magtupada yung anak ko eh takot yung sa tari."
Inilagay na sa restrictive custody ang pulis na nakabaril sa biktima na si Police Senior Master Sergeant Christopher Salcedo, at tatlo pa niyang kasama sa raid bilang bahagi ng isinasagawang pagsisiyasat.
"Hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala na ginawa nilang manok ang anak ko," hinanakit ni Hele. "Yung mga pulis na pumatay sa anak, gusto ko pong maparusahan sila. Mabigyan ng hustisya yung anak ko."
"Kawawa naman po yung anak," umiiyak na sabi ng amang si Benny.
Nangako naman si Philippine National Police chief Police General Guillermo Eleazar, ng mabilis at patas na imbestigasyon.--FRJ, GMA News