Isang 21-anyos na transgender man ang natagpuang patay sa Quezon City at hinihinalang hinalay pa.
Nakita ang bangkay ni Ebeng Tria sa Bagong Silang nitong Huwebes, ilang araw matapos siyang magpaalam sa ina na gagala lang, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Saksi nitong Biyernes.
"May nagsabi lang po na kaibigan ng anak ko na may babae daw na natagpuan sa Bagong Silang na ni-rape at hinoldap doon sa...at itinapon na lang doon sa may bangin ng Bagong Silang. Wala nang buhay, naka-hubo't hubad," kuwento ng ina ni Ebeng na si Cherry Tria.
Ayon naman sa kapatid ni Ebeng na si Rachelle Tria, nagpaalam ang biktima noong Lunes na makikipag-inuman sa mga kaibigan dahil may problema sila ng kanyang live-in partner sa Pampanga.
"Broken po siya. Kumbaga parang nag-away sila ng asawa niya tapos umuwi siya dito. Taga-Pampanga 'yung asawa niya. Umuwi siya dito. Pero hindi alam ng asawa niya na umalis po siya noong gabi. Tumakas daw po. Tapos umuwi sa amin," aniya.
Kuwento ng isang kaibigan, sumama pa sa paghahanap sa biktima ang isang suspek. Hindi ito pinauwi ng pulis nang malamang isa siya sa mga huling nakasama ng biktima. Kalaunan daw ay umamin ito sa krimen.
"Isinama na siya sa police station siguro kaya hindi na rin siya nakawala noon. Kaya nagulat din kami na umamin siya na siya ang may gawa," aniya.
Wala pang kumpirmasyon mula sa Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police kung may hawak na silang suspek.
Iniimbestigahan na raw nila ang ang insidente.
Nanawagan naman ang ina at kapatid ng biktima sa mga suspek na sumuko na sa mga awtoridad.
Mabait, masayahin at palakaibigan daw si Ebeng.
Kinondena naman ng LGBT group na Bahaghari ang krimen.
"We demand a full, immediate investigation, and the passage of the SOGIE Equality Bill now!," ang pahayag ng Bahaghari. —KG, GMA News