Tatlong Chinese nationals na binihag umano ng sindikato ang nailigtas sa magkakaibang lugar sa Metro Manila. Ang isa sa mga biktima, nakatakas habang dala-dala ang parte ng kama kung saan siya ipinosas.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing unang nasagip ang isang Tsino na naglalakad sa paanan ng condominium building sa Malate, Maynila, na nakita ng isang guwardiya.
Nakaposas ang mga kamay ng Tsino sa headboard ng kama na kaniyang bitbit.
Kaagad na tumawag ng pulisya ang guwardiya at mabilis na rumesponde ang Manila Police District Station 5 at SWAT team.
Itinuro ng Chinese national ang isa pa niyang kasamahan na bihag sa condominium unit. Nakaposas din ang kamay nito at nakakabit sa headboard ng kama.
Nakaposas din ang mga paa ng isa pang biktima.
Natagpuang may mga sugat at pasa sa katawan, braso at mga paa ang mga dayuhang biktima na hindi marunong mag-Filipino at Ingles.
Papaalis na ang pulisya nang maaresto nila sa parking lot ang tatlong Pinoy na bantay sa condominium unit na pinaglagyan sa mga biktima.
Ikinanta ng mga suspek ang isa pa nilang safe house sa Parañaque, at doon nakita ang isa pang Chinese national na nakaposas din sa kama, may black eye at puro sugat ang kamay at mga paa.
Dinakip ang dalawa pang Pilipino na ikinanta at itinuro ang isa pang safe house ng kanilang amo sa Las Piñas.
Nang puntahan naman sa Las Piñas, apat pang Pilipino ang nadakip, pero nakatakas ang lider umano na Chinese, na pinaghahanap na ngayon.
Base sa inisyal na pagsisiyasat ng MPD, sindikato ang nasa likod ng mga pagdukot na mga Tsino na nagtatrabaho sa Metro Manila ang kanilang binibiktima.
Pero napansin ng pulisya ang pagkakasangkot na ngayon ng mga Pinoy sa naturang operasyon na dating mga Tsino rin ang kadalasang nadadakip noon.
Mahaharap ang mga nadakip sa mga kasong kidnapping for ransom, illegal detention at illegal possession of firearms.--Jamil Santos/FRJ, GMA News