Nagpositibo sa COVID-19 ang apat sa mga taong nagpunta sa Gubat sa Ciudad Resort sa Caloocan City, na nabistong nag-operate kahit may enhanced community quarantine at hindi na nasunod ang health protocols dahil sa dami ng mga tao.
Sa ulat ni Glen Juego ng Super Radyo dzBB nitong Lunes, sinabi ni Caloocan City Administrator Oliver Hernandez, nagpapakita ng mild symptoms ang mga infected guests, na menor de edad ang isa.
Ayon kay Hernandez, isinasagawa ang contact tracing sa tinatayang 200 katao na nagpunta sa resort.
Iniutos ni Caloocan Mayor Oscar Malapitan na isara ang naturang resort.
Nahaharap din sa administrative complaint ang barangay chairman na nakasasakop sa resort dahil sa gross neglect of duty o dereliction of duty dahil sa pagdagsa ng tao sa resort.— FRJ, GMA News