Apat sa crew members ng MV Athens Bridge na nagpositibo sa B.1.617 coronavirus variant na unang nakita sa India ang nananatili pa rin sa isang ospital sa Metro Manila, ayon kay Department of Health (DOH).

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, muling isasailalim sa COVID-19 test ang mga pasyente sa Lunes, ang ika-21 na araw mula nang magkaroon sila ng sintomas ng sakit.

“Ang isa po sa kanila ngayon ay naka-intubate pero sabi po ng ospital, binigyan tayo ng update, na nasa maayos na kalagayan at mukhang nag-i-improve. Tatlo po sa kanila are under oxygen support and they are also doing well,” ayon kay Vergeire.

Unang iniulat ng DOH na siyam na tauhan sa naturang barko ang nakitaan ng B.1.617 variant. Nasa isolation facility ang lima sa kanila.

Pinayagan ang MV Athens Bridge na dumaong sa pantalan sa Metro Manila dahil kailangan ng atensiyong medikal ang dalawa sa mga pasyente.

Tiniyak ni Vergeire na kaagad na inilagay sa isolation facility at isinailalim sa COVID-19 tests ang  mga crew ng barko.

Mayroong 12 kaso ng B.1.617 (India) variant ang Pilipinas.—FRJ, GMA News