Arestado ang isang babae na madalas sa mall sa Maynila para makapambudol umano. Ang suspek, dati raw nabiktima rin ng naturang modus kaya natuto kung papaano kunin ang loob ng mga bibiktimahin.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, makikita sa kuha ng CCTV ng mall ang suspek na si Susan Gorospe, 40-anyos, na nilapitan ng isa pang babae.
"Kapag nakuha na niya ang loob ng mabibiktima niya, bibigyan niya muna ng instruction 'yung biktima na pumasok sa CR. Magsu-switch po sila ng bag, hahawakan niya 'yung bag. 'Pag nasa loob na po ng CR, iiwan niya na po 'yung biktima," sabi ni Police Major Anthony Coyle Olgado, Commander ng Bocobo PCP ng Ermita Police.
"Sa mall siya naglalagi eh. Doon niya pinipili [ang biktima]. 'Yung mga makakasalubong niya, doon siya maghahanap," dagdag ni Olgado.
Lumuwas lamang sa Maynila para mag-OFW ang 23-anyos na biktima na nagsumbong sa Ermita Police.
Agad namang nahuli ang suspek at nabawi sa kaniya ang bag, pera at cellphone ng biktima.
"Nagawa ko po 'yun dahil naputulan po kami ng ilaw at pinalalayas na kami sa bahay," sabi ni Gorospe.
Ayon sa suspek, dati na rin siyang nabudol kaya natuto siya kung paano kunin ang loob ng mga binibiktima.
Paliwanag pa ng suspek, hindi siya mapapasok sa modus kung hindi nagkaroon ng pandemya dahil mayroon umano siyang trabaho noon.
Patuloy na inaalam ng pulisya kung kasamahan ni Gorospe isa pa nilang naarestong sangkot sa budol-budol noong nakaraang linggo.--Jamil Santos/FRJ, GMA News