Sinabi ni dating senador Antonio Trillanes IV na tatakbo siyang pangulo sa 2022 kasunod ng mga ulat na pagka-gobernador umano ng Camarines Sur ang aasintahin ni Vice President Leni Robredo, bagay na itinanggi naman ng kampo ng huli.

Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabi ni Trillanes na pinalitan na ng kaniyang grupong Magdalo ang kaniyang status bilang principal candidate for presidency mula sa dating alternate candidate kay Robredo.

Nagpalipat na umano ng residency si Robredo sa lalawigan bilang paghahanda nito sa gubernatorial race sa Camarines Sur.

Dahil sa pagbabago ng kaniyang status, sinabi ni Trillanes na maaari na siyang humirit ng presidential nomination sa koalisyon ng oposisyon na 1Sambayan.

“Just to further stress this point, in the event that VP Leni definitely decides to run for president before 1Sambayan picks its nominees in July, I would wholeheartedly step aside and withdraw my own candidacy in her favor,” ayon kay Trillanes, na nagsabing mahalaga ang pagkaroon ng united opposition sa 2022 elections.

Idinagdag ng dating senador na hindi na kakayanin ng bansa ang panibagong anim na taon ng administrasyong Duterte.

“In just five years, Duterte has been able to destroy our institutions, bankrupted the economy, worsened poverty and corruption, surrendered our interests in the West Philippine Sea, and promoted incompetence in public service. Worst of all, he made our people accept killings, immorality, indecency, and vulgarity as the new societal norm,” giit ni Trillanes.

OPEN TO ALL OPTIONS 

Nitong nakaraang Pebrero, sinabi ni Robredo na bukas ang kaniyang isipan na tumakbong pangulo sa 2022 pero mas nanaisin niyang tumakbo sa lokal na posisyon.

Pero ayon kay dating Congressman Teodoro Baguilat Jr., vice chairperson ng Liberal Party,  interesado pa rin si Robredo na tumakbong pangulo sa 2022 at wala silang ginagawang paghahanda sa ngayon sa pagtakbong gobernador.

Sinabi naman ni Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo, na hindi naghahanda ang pangalawang pangulo na tumakbo sa lokal na posisyon.

Hindi rin umano ito ang panahon para pag-usapan ang pulitika.

“She (Robredo) has not made a decision regarding the 2022 elections, and there is absolutely no truth to the claim that she is making 'preparations' to run for Governor of Camarines Sur,” ayon kay Gutierrez sa pahayag.

“This is not a time for politicking, but for working for the people’s welfare. She remains open to all options, including a possible candidacy for President, and at the appropriate time, she will personally convey her decision on this matter,” dagdag niya.—FRJ, GMA News