Nasagip ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 20 babaeng biktima umano ng sindikato ng online human trafficking at ibinubugaw sa mga parokyanong Tsino sa Parañaque City. Ang dalawa sa biktima, nagpositibo sa COVID-19.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, mapapanood ang isinagawang operasyon ng mga ahente ng NBI Rizal District Office sa isang bahay sa isang exclusive village sa naturang lungsod nitong Martes.
Nahuli sa operasyon ang isang Chinese national.
Tatlong babae kaagad ang nakita sa ibaba ng bahay, at mayroon pa sa ikalawang palapag.
Ayon sa NBI, dalawa sa mga nasagip ay mga menor de edad.
Gumagamit umano ang grupo ng online messaging app na Chinese ang nakasulat para sa mga parokyanong Tsino.
Tila menu naman sa pagpili ang mga kostumer sa mga seksuwal na pabor na ipagagawa nila sa matitipuhang Pinay.
Inihahatid ang mga babae sa bahay o hotel na pinili ng parokyano.
Ayon sa NBI, malaking peligro ang sexual exploitation sa gitna ng pagkalat ng bagong variants ng COVID-19.
Lumabas na positibo sa COVID-19 antigen test ang dalawa sa mga nasagip na babae.
Hindi na nagbigay ng pahayag ang mga dinakip habang ibinigay sa pangangalaga ng social welfare department ang mga nasagip na babae.--Jamil Santos/FRJ, GMA News