Nais ng Department of Health (DOH) na dapat isailalim sa 14-day quarantine ang lahat ng nagpunta sa isang resort sa Caloocan kahit pa ipinagbabawal ang naturang uri ng paglilibang dahil sa umiiral na modified enhanced community quarantine.
Nitong Lunes, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na epektibo pa ang modified enhanced community quarantine hanggang Mayo 14, at kasama rito ang Caloocan.
Natuklasan ng lokal na pamahalaan ng Caloocan na nag-operate at tumanggap ng napakaraming bisita ang Gubat sa Ciudad nitong weekend.
“Ito po ay mali, hindi po natin ito ito-tolerate. Ayaw po natin na madagdagan pa ang mga kaso (ng COVID-19),” sabi ni Vergeire sa online briefing.
Sinabi ng opisyal na inatasan na ang DOH-Metro Manila office na imonitor nang mabuti ang mga taong nagpunta sa resort.
“‘Yung mga nagpunta diyan sa resort na ‘yan, kailangan nila mag-quarantine for 14 days, lahat po sila, so that we can ensure na wala pong pagkaka-hawa-hawaan na mangyayari,” giit ni Vergeire.
“Nakakalungkot po itong nangyaring ito. Sana po hindi na tularan,” dagdag niya.
Iniutos na ng lokal na pamahalaan ng Caloocan na isara ang resort.
Sinabi naman ng pulisya na posibleng managot din ang mga barangay official sa nangyaring insidente.
Sa lumabas na video, makikita ang dami ng tao sa resort na magkakadikit na at walang suot na mga face mask at face shield.—FRJ, GMA News