Nakubra na ng dating OFW ang kaniyang napanalunan na higit P298 milyong jackpot prize sa Grand Lotto 6/55 draw noong Marso 27, 2021.
Sa pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kamakailan, nakasaad na P298,773,641.20 ang kabuuang tinamaan ng mananaya nang solo niyang tamaan ang winning combinations 38-35-11-22-39-47.
"It took the winner almost three weeks to claim the jackpot prize due to the onset of the Holy Week simultaneous with the declaration of Metro Manila and nearby provinces to be put under Enhanced Community Quarantine by the IATF," ayon sa pahayag.
Dati umanong OFW ang tumaya at ngayon ay isa nang government employee.
Tinayaan daw ang numero nang magtungo ang lucky winner sa Pagadian City, Zamboanga Del Sur para sa isang "short job-related trip."
Plano raw ng nanalo na ibahagi sa mga kapatid ang kaniyang premyo at magdo-donate din sa simbahan.
Maglalaan din siya ng pangtulong sa mga naapektuhan ng pandemya.
Samantala, umaabot na sa P130,474,948.00 ang premyo sa Megalotto 6/45 .
Sa draw nitong Biyernes, Mayo 7, walang nakakuha sa kombinasyon na 45-16-20-14-40-23.
Wala ring tumama sa isa pang draw na Ultra Lotto 6/58, na ang mga lumabas na mga numero ay 44-28-55-31-35-49, at may premyong P49,500,000.00.--FRJ, GMA News