Sa pag-upo ni Lieutenant General Guillermo Eleazar bilang bagong pinuno ng Philippine National Police (PNP), nangako siya na magsasagawa ng paglilinis sa hanay ng kapulisan.
Ayon kay Eleazar, hindi siya magdadalawang-isip na sibakin sa puwesto ang mga pulis na magdudungis sa imahe ng PNP.
Sinabi pa niya na madalas na natatawag na "pulis patola" o "kotong cops" ang mga pulis dahil sa iilang tiwali sa kanilang hanay.
"For as long as I'm the chief PNP, every single centavo of your hard-earned money allocated to us will be in good hands," sabi ni Eleazar sa kaniyang talumpati sa pag-upo niya sa puwesto.
"Sa mga natitirang hoodlum in police uniforms, sisiguraduhin ko sa inyo, you will hate me. Hindi ako magdadalawang-isip na magtanggal ng mga tiwaling pulis dahil sa laki ng sweldo na binibigay sa atin ng ating gobyerno at benepisyo, sigurado akong madaming gustong pumalit sa inyo," pahayag niya.
Inaasahan naman ni Eleazar ang mga opisyal ng PNP na mahusay na pamumunuan ang kanilang mga tauhan.
"Naniniwala ako na magdadalawang-isip gumawa ang sinumang pulis, maging 'yan man ay patrolman o patrolwoman, maging heneral, kung alam niya na siya ay di kukunsintihin ng kanyang commander, ng kanyang kasamahan at ng kanyang organisasyon," sabi pa ni Eleazar.
Si Eleazar ang ika-26 na hepe ng PNP matapos palitan ang nagretirong si General Debold Sinas. — FRJ, GMA News