Pinayagang dumaong sa pantalan sa Maynila ang isang barko na may sakay na 12 tripulanteng Pinoy na positibo sa COVID-19.

Batay sa impormasyon, dalawa sa mga tripulante na sakay ng MV Athens Bridge ay kailangan ng agarang atensyong medikal dahil nahihirapan silang huminga.

Mayroong 21 na crew ang barko na pawang mga Pinoy.

"The vessel will be allowed to dock. Preparations for medical evaluation of two critical cases are being done," ayon sa pahayag ng Department of Health.

"They will be assessed upon arrival and transferred to their partner hospital as fit," dagdag nito.

Aalamin din ng DOH kung maaaring gawing quarantine facility ang barko para sa mga tripulante.

"Rest assured that appropriate care will be provided to those who need it, while upholding the proper protocols," ayon sa DOH.—FRJ, GMA News