Tinawag na "national tragedy" ni dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na "isang piraso ng papel na itatapon niya sa basurahan" ang 2016 arbitral ruling ng international tribunal na pumabor sa Pilipinas.
Giit ni del Rosario, ang naturang desisyon ng international tribunal na pabor sa Pilipinas kaugnay sa kasong isinampa laban sa pang-aagaw ng China sa teritoryo sa West Philippine Sea ay "valid and binding" at dapat na ipatupad.
"China, the illegal occupant in the West Philippine Sea, believes that the arbitral ruling is a mere scrap of paper. The Philippines is the country which won the arbitral ruling against China," saad ni del Rosario sa inilabas nitong pahayag.
"It is, therefore, a national tragedy that the President of the Philippines takes the side of China and believes that the Arbitral ruling is a scrap of paper meant to be thrown in the waste basket, to the severe prejudice of the Filipino people," dagdag pa ng dating kalihim.
Sinabi pa ni del Rosario na nakasaad sa 1987 Constitution na trabaho ni Duterte bilang pangulo ng bansa na ipagtanggol ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea at ipatupad ang arbitral award laban sa China.
"With due respect this is not a blaming game among Filipinos, but a constitutional mandate to be acted upon against a foreign aggressor for the benefit of our country and Filipino people," patuloy ni del Rosario.
Binitawan ni Duterte ang pahayag na "basura" ang arbitration ruling sa kaniyang televised address nitong Miyerkules ng gabi.
Kasabay nito ang pagsisi ni Duterte kay del Rosario at dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, kaya nawala umano sa Pilipinas ang kontrol sa Scarborough.
Sinabi pa ni Duterte na pag-aaksaya lamang ng oras kung magtutungo siya sa United Nation para igiit ang panalo ng Pilipinas at makasasama ito sa magandang ugnayan sa China.
"P—tang ina, akala ko ba Pilipino ka? Alam mo ba ang utang na loob? Do you know the dimensions of utang na loob? 'Yong utang na loob, iba 'yong away. Ito—para tayong nandiyan na neighbor nila na naghirap, tinulungan tayo, so sinabi ko salamat. May utang na loob tayo," paliwanag ni Duterte.--FRJ, GMA News