Patay ang isang lalaki matapos siyang pagbabarilin ng isang salarin na nagtago muna sa gilid ng jeep at inabangan ang nagbibisikletang biktima sa Malate, Maynila. Ang krimen, nahuli-cam.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, makikita sa CCTV ng Barangay 739 na salarin nagtago sa gilid ng jeep at lumabas lang nang paparating na ang biktimang si Abraham Damil, 30-anyos, na sakay ng bisikleta.

Wala nang nagawa ang biktima nang biglang bumulaga sa harap niya ang armadong salarin at malapitan siyang pinaputukan kahit may mga tao sa lugar.

Sinabi ng opisyal ng barangay na dati nang nakulong ang biktima at pinaniniwalang "asset" ng pulisya.

"Siya si A, ibig sabihin is alas ng kapulisan, siya 'yung asset. Siguro sa dami ng itinuro niya na mga kakosa niya na nilaglag niya," sabi ni kagawad Victor del Rosario ng Brgy. 739.

"'Yung asawa may kutob, may tumawag daw, binalaan na 'yung biktima na huwag nang lumabas," sabi ni kagawad JP Eben.

Hindi pa nakikilala ang salarin pero sinabi ng barangay na tila kapareho ito ng gunman sa isa pang insidente ng pamamaril sa kanilang barangay nito lang Enero.

"'Yung galawan ng gunman tapos 'yung built ng katawan, parang same lang din," ayon pa kay Eben.

Sinusubukan pa ng GMA News na makuha ang panig ng pamilya ng biktima.--Jamil Santos/FRJ, GMA News