Arestado ang isang kasambahay matapos umanong tangayin ang P2 milyong halaga ng alahas at gadgets ng kaniyang amo sa Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes.

Huli sa CCTV ang pag-alis ng kasambahay nitong Lunes dala ang kaniyang mga gamit kasama na raw ang kaniyang mga nakulimbat.

Matapos magsumbong sa pulis ang mga biktima, nahuli sa San Luis, Pampanga, nitong Miyerkoles ang suspek na si Maria Suzette Ramirez.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Melchor Rosales, hepe ng Fairview Police Station, natunton si Ramirez sa pamamagitan ng GPS ng ninakaw nitong tablet.

Nabawi sa suspek ang dalawang tablet at apat na singsing na nagkakahalaga ng P1.8 milyon, pero hindi ang cellphone at P250,000 na cash.

Ayon kay Ramirez, tablet lang ang kinuha niya at wala siyang ninakaw na pera at alahas. Naisipan daw niyang pumunta sa Pampanga dahil nandun ang boyfriend niya.

Tatlong buwan pa lang daw namamasukan ang suspek, na nahaharap sa kasong qualified theft. —KBK, GMA News