Naglabas ng video ang Philippine Coast Guard (PCG) nitong Miyerkules nang palayasin nila sa Sabina Shoal na pasok sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas ang ilang Chinese militia vessels.
"This is Philippine Coast Guard. We are BRP Cabra (MRRV-4409). You are within Philippine Exclusive Economic Zone. You are requested to provide the following: name of vessel, intention, last and next port of call on Channel 16," madidinig sa ginawang pag-radyo ng babaeng crew member ng BRB Cabra sa mga Chinese vessel.
Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing hindi sumagot ang mga Tsino sa radyo ng PCG kaya nilapitan sila ng barko ng Pilipinas.
Pero nang papalapit na ang PCG, umalis daw ang mga barko ng mga Tsino na nagpapanggap na mga mangingisda.
Nitong Martes, sinabi ni National Security Adviser Hermogenes Esperon, na umalis ang naturang mga barko matapos ang ginawang pag-radyo ng PCG.
Pitong barko ang nakita sa lugar noong Abril 27.
Noong Abril 29, bumalik ang BRP Cabra sa Sabina Shoal at nakita pa ang limang Chinese militia ships, na umalis din nang paparating na ang PCG.
Dahil sa tensiyon ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea, nagsasagawa ng maritime exercises ang PCG at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga teritoryong sakop ng Pilipinas.--FRJ, GMA News