Kinontra ng ilang mambabatas ang pahayag ng China laban sa ginagawang paglalayag ng mga barkong pandigma ng Amerika sa sa South China Sea at maging ang maritime exercises ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Sa Facebook post, sinabi ni Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon, vice chairman ng House Committee on National Defense and Security, na "umaaray ang China sa gawaing ginagawa nila sa iba."
"Walang pakundangan ang China sa pagpasok sa ating [Philippine] Exclusive Economic Zone at ipagtabuyan ang mga Pilipino sa paglayag at pangingisda dito [na] kontra sa international law na nagtaguyod ng karapatan ng Pilipinas," ayon sa kongresista.
"Pero nang maglayag ang US Navy sa international waters na pinipilit ng China na kanila, nagrereklamo sila. Maliwanag na hindi patas ang kanilang pananaw, makasarili, at hindi kumikilala ng batas," patuloy niya.
Ayon kay Biazon, hindi maituturing pagkilos para makipagdigma ang ginagawa ng Amerika na Freedom of Navigation Operations (FONOPs).
Ginagawa umano ito ng Amerika upang tiyakin na malaya ang mga sasakyang pandagat na makapaglayag sa international waters nang walang isang bansa na aangkin.
Maging ang Pilipinas ay nakikinabang umano sa mga FONOPS, kasama na din ang ibang mga bansa.
Sabi ni Biazon, ang pag-ray ang China sa ginagawang paglalayag ng Amerika sa ilalim ng FONOPs ay patunay na hindi kailangan ang direktang aksiyong militar para matulungan ng Amerika ang Pilipinas laban sa pagiging agresibo ng China sa EEZ ng Pilipinas.
"Kaya sa South China Sea/West Philippine Sea, maliwanag kung sino ang kontrabida at kung sino ang nakakatulong," ani Biazon.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ni Senador Francis Pangilinan na dapat gawin ng Pilipinas ang mga aktibidad sa WPS nang may kalayaan sa harap ng reklamo ng China.
“We will do freely what we deem necessary in our sovereign waters, and China or any other foreign nation for that matter has no business telling us what to do inside our sovereign waters and exclusive economic zone,” ayon kay Pangilinan.
“Our history as a people is marked by our valiant struggles against Spanish, American, and Japanese occupying forces in defense of our Motherland. We fought for our sovereignty, then, we most certainly will refuse to surrender any of it now,” dagdag.
Sinabi naman ni Sen. Leila de Lima na ang puwersa ng China ang dapat umalis sa WPS na nanggigipit sa mga Pilipino na nagpupunta doon.
Pinuna rin niya ang patuloy umanong pananamihik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ginagawang pagtatayo ng artipisyal na isla sa WPS.
“China continues to bully us but Duterte, being China’s famous lackey, remains unperturbed. Whatever happened to his promise to defend our sovereignty with his life? Yet again, broken and unfulfilled,” anang nakadetineng senador.— FRJ, GMA News