Nakaranas ng “technical difficulties” ang website ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa unang araw ng online registration para sa mga nais kumuha ng National ID.
Sa abiso ng ahensiya, sinabing ginagawan ng paraan ng kanilang technical team na maayos ang aberya.
“We will provide updates as soon as the website is up and running. We apologize for any inconvenience this may have caused,” ayon sa abiso.
ADVISORY We are currently experiencing technical difficulties. Our technical team is currently figuring out the source...
Posted by PSA Philippine Identification System on Thursday, April 29, 2021
Una rito, inihayag ng National Economic and Development Authority, na kokolektahin sa online system ang demographic information ng kukuha ng National ID.
Gayunman, kailangan pa rin pumunta ang aplikante sa registration para sa biometrics at sa pagbubukas ng kanilang bank account.
Tutulungan naman sa ilalim ng programa ang mga mahihirap para makapagbukas ng kanilang bank account.
Makatutulong daw ang national ID system para mapadali ang pamamahagi ng "ayuda" o pinansiyal na tulong.
Magagamit din umano ang national ID para mapabilis ang programa ng pamahalaan sa pagbabakuna kontra COVID-19.--FRJ, GMA News