Marami ang naging luhaan mula nang magkaroon ng COVID-19 pandemic matapos mawalan ng trabaho o malugi ang negosyo. Kaya suwerte ang mga nakagawa ng paraan upang umasenso sa panahong ito tulad ng isang 22-anyos na babae na naging milyonarya dahil sa kaniyang live online selling.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing hindi makapaniwala si Joyce Sibayan na naging milyonarya na siya sa kaniyang edad matapos mag-live online selling sa loob ng mahigit isang taon.
"Hindi ko ini-expect na maaabot ko siya kasi akala ko medyo matagal pa. Tapos sabi ng teller [sa bangko], 'hala, milyonarya ka na sobrang bata mo namang maabot yan,'" masaya niyang kuwento.
Pero hindi naging madali bago nakamit ni Sibayan ang tagumpay. Aniya, may mga kabiguan din siyang naranasan tulad ng pagsasara ng dati niyang negosyo.
“Meron pong times na nag-breakdown po ako and nawala nga po ako sa sarili dahil sunod-sunod yung nangyayari din sa business ko,” saad niya.
Kabilang sa mga sinubukan niyang ibenta ay ang chili garlic oil, pre-loved clothes, at cosmetics.
Naalala rin niya ang panahon na tinawag siyang “bad influence” noong kabataan niya. Mismong ang mga magulang pa raw niya ang nagsusumbong sa mga pulis tungkol sa mga ginagawa niya.
Pero ang mga pagsubok na ito ang naging daan din para magsikap siya sa paglipas ng mga panahon.
Matapos ang ilang kabiguan, sinubukan niya ang live online selling.
Ayon kay Sibayan, kailangang harapin ang mga pagsubok upang makamit ang inaasam na tagumpay.
“Hindi po talaga ako magaling sa academics,” pag-amin niya. “Ang totoo pong importante sa buhay is madiskarte ka, masipag at matiyaga ka.” -– FRJ, GMA News