Arestado ang isang lalaki sa Maynila matapos daw magpanggap na sundalo para makalusot sa traffic violation, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Martes.
Kumpleto uniporme pa ang suspek na kinilalang si Romeo Puyat Jr. bagama't wala siyang maipakitang ID na magpapatunay na siya ay miyembro ng militar.
Inaresto si Puyat, na taga-Pampanga, matapos mag-counterflow sa daan.
Paliwanag ni Puyat sa mga pulis, maga-apply siya bilang OFW kaya siya lumuwas sa Maynila. Tatlong passport ang nakuha sa kaniya -- isa ay pag-aari niya habang ang dalawa ay pag-aari ng kaibigan niya at girlfriend.
Wala ring maipakitang rehistro ng sasakyan ang suspek.
Dahil dito, patung-patong na kaso ang kakaharapin ni Puyat kabilang ang usurpation of authority. —KBK, GMA News